151
BFP-Manila naghahanda na sa pagrarasyon ng tubig sa Maynila
Mar 13, 2019 @ 18:53
By

BFP-Manila naghahanda na sa pagrarasyon ng tubig sa Maynila

Bagama’t wala pang nagiging problema sa suplay ng tubig sa lungsod ng Maynila, naghahanda na rin ang Bureau of Fire Protection-Manila (BFP-Manila) sakaling kailanganin nang magrasyon ng tubig sa mga maaapektuhang residente o mga establisimyentong mawawalan o kakapusin ng suplay ng tubig.

Ayon kay Fire Supt. Jonas Silvano, Fire Marshall ng Maynila, magkakaroon na rin sila ng pakikipagpulong sa mga opisyal ng Department of Health at iba pang stakeholders para maagapan ang posibelng mas matindi pang epekto ng problema sa suplay ng tubig.

Sa ngayon, wala pang naitatalang problema sa suplay ng tubig sa mga residential area sa Maynila o mga government hospital sa lungsod dahil wala pa rin naman nagiging water interruptions sa mga lugar na sinusuplayan ng water concessionaire na nakakasakop dito.

Tiniyak ni Silvano na handa silang tumugon sa mapagkakasunduan na pagrarasyon ng tubig nang regular sa mga maaapektuhang residente at handa ring iprayoridad ang mga ospital ng pamahalaan para hindi maapektuhan ang operasyon nito at ang kalagayan ng mga pasyente.

Ipinatitiyak na rin ng BFP sa kanilang mga opisyal na alamin kung gumagana ang mga fire hydrant sa lungsod na pagkukunan ng suplay sakaling mauwi sa pagrarasyon ang sitwasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?