29

May 28, 2020 @ 14:44
By

‘Better normal’ bill pasado na sa Kamara

Pinagtibay na ng Kamara ang panukalang pagtatakda ng protocol o mga alituntunin upang mas magiging mabilis makaugalian ng taumbayan ang tinatawag na ‘new normal’ sa gitna ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.

Ang panukala na kilala bilang ‘The Better Normal for the Workplace, Communities, and Public Spaces Act of 2020’ ay inaprubahan ng House’s Defeat COVID-19 Committee (DCC).

Nakapaloob sa panukala ang pagpapatupad ng protocols tulad ng pagsusuot ng face masks sa public spaces, pagkakaroon ng handwashing at sanitizing stations sa public areas, temperature checks, at pagsunod sa physical distancing.

Ayon pa sa panukala, ipinagbabawal ang public gatherings bagama’t may ‘exceptions’ na nakapaloob sa implementing rules and regulations (IRR), habang ang local government units (LGUs) ay siyang magre-regulate ng mga gatherings gayundin ang daloy ng tao sa mga government-managed public spaces gayundin sa privately-organized gatherings.

Sa transportasyon, nakasaad sa panukala na dapat magkaroon ng ‘universal and mandatory safety measures’ sa terminals, mass transportation, at app-based transport network services.

Ang mga pasahero ay uupo na magkakalayo habang paiiralin ang ‘contactless payment mechanisms’ habang mananatiling suspendido ang operasyon ng motorcycle taxis.

Pagdating sa education sector, ayon sa panukala, ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay awtorisadong magdetermina sa pagbubukas o pagsisimula ng academic year.

Bukod dito, ang education department ang babalangkas ng ‘flexible learning programs’ upang limitahan ang physical contact sa eskuwelahan at hindi dapat na parusahan ang mga estudyanteng hindi makalahok dulot ng limitasyon sa connectivity o kawalan ng gadgets o equipment.

Sa mga private commercial at industrial workplaces, nakasaad sa panukala na dapat magsusumite ang mga kompanya ng tinatawag na ‘Better Normal Workforce and Workplace Management Plan’ na isasama sa ‘alternative work arrangements’.

Ang mga LGU ay pangunahing responsable sa pagsiguro para sa maayos na implementasyon ng mga probisyon oras na maging isang ganap na batas.

“With this measure, we seek to lay the groundwork that will expedite our people’s adaptation to the demands of the new normal. The soonest we adapt, businesses can resume operations and workers can go back to their jobs without fear of contracting the dreaded coronavirus,” ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, chair ng DCC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?