73

Dec 23, 2020 @ 19:03

Bentahan ng paputok sa Bulacan ‘nilalangaw’

Malungkot ang mga negosyante ng paputok sa Bocaue, Bulacan dahil sa napakatumal na bentahan ng kanilang produkto bago ang bisperas ng Pasko.

Sinabi ni Lea Alapide, presidente ng Bocaue Fireworks Association, mabibilang lang sa daliri ang mga bumibili ng kanilang paputok dahil sa agam-agam kaugnay sa ipinalabas na pagbabawal ng mga lokal na opisyal sa paggamit nito partikular ang mga alkalde sa Metro Manila.

Ayon kay Alapide, nalilito sila sa mga lokal na opisyal dahil hindi pa naman ganap na ipinagbabawal ang paggamit ng paputok.

Katunayan aniya ay sinabi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigyan ang industriya ngayong taon at pagdating ng Hunyo o Hulyo 2021 ay ikukunsidera kung tuluyang ipagbabawal ang paggawa ng mga paputok.

“Napakatumal po ng bentahan. Nag-aalangan kasi ang mga buyer dahil sa order ng mga mayor sa National Capital Region na bawal ang paggamit ng paputok ngayong Pasko at Bagong Taon,” ani Alapide.

Marami aniya sa mga retailer nilang nag-advance ng order ay umurong na at ang ibang nakakuha na para pambenta ay malaking sakit ng ulo dahil hindi na nila maibenta ang kanilang paputok.

Dahil dito, nakiusap si Alapide sa mga lokal na opisyal na pagbigyan sila ngayong Pasko at Bagong Taon para makabawi sa kakarampot na kita at lugi sa kanilang ipinamuhunan sa paggawa ng mga paputok.

“Sana po pagbigyan naman kami, bisperas lang ng Pasko at Bagong Taon para kahit paano ay may kita dahil kasama kami sa naapektuhan ng pandemya,” dagdag ni Alapide.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?