12,206

Dec 11, 2017 @ 11:21

Benepisyong dulot ng mangosteen

Panahon na naman ng Kapaskuhan, uso na naman ang mga prutas lalo na ang mabibilog na prutas. Alam n’yo bang ang mangosteen ay kilalang prutas na kalimitang tumutubo sa isla ng Mindanao.

Hindi lamang masarap na prutas ang mangosteen kundi may mabisang taglay pa na nakalulunas ng sakit at karamdaman. Mayroon itong bunga na bilog, kulay lila at makinis na balat, at may lasa na maaaring matamis o maasim.

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang mangosteen ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan. Ang balat ng bunga ay may tannin at resin. Makikitaan din ng mangosteen, isang mapait na substansya, sa balat ng bunga

Ang laman ng bunga ay may saccharose, dextrose, at kerrelose. Mayroon ding itong malic acid na siyang nagbibigay ng maasim na lasa.

Makikitaan naman ng xanthone, mangosharin, at mangostinone ang dahon at balat ng kahoy.

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman. Ang ugat nito ay kalimitang pinakukuluan ang ugat ng mangosteen upang ipainom sa may karamdaman. Ang balat ng kahoy nito ay maaaring ilaga upang mapainom sa may sakit.

Ang dahon ng halaman ay madalas ding ilaga upang mainom na nakapagbibigay ng kaginhawahan sa katawan habang ang balat ng bunga ay mabisa sa paggagamot. Ito’y pinupulbos at inilalaga upang mainom.

Alam n’yo bang mabisa ang mangosteen sa mga sakit na tulad ng:

Pagtatae — Ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng puno ng mangosteen ang siyang pinaiinom sa taong dumadanas ng pagtatae. Mabisa din ang pinaglagaan ng buto ng mangosteen

Dysmenorrhea — Maaaring maibsan ang pananakit ng puson sa tulong ng pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng halaman.

Impeksyon ng fungi — Ang ilang mga sakit na dulot ng impeksyon ng fungi ay maaaring matulungan ng pag-inom at paghugas gamit ang pinaglagaan ng mga dahon at balat ng kahoy ng mangosteen.

Lagnat — Nakatutulong din sa pagpapababa ng mataas na lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon at balat ng kahoy.

Sugat — Maaari ring gamitin na panghugas sa sugat ang pinaglagaan ng pinulbos na balat ng mangosteen. Makatutulong ito sa mabilis na pagsasara at paghilom ng sugat.

Presensya ng free radical — Mabisang panglaban sa mga mapanirang free radicals ang pagkain mismo sa bunga ng mangosteen o kaya ay pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng bunga. Ang mangosteen ay itinuturing na mabisang antioxidant.

Kanser — Ang substansya na xanthones na nakukuha mula sa balat ng kahoy, dahon at balat ng bunga ay mabisa laban sa mga tumor at cancer cells. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?