38

Mar 9, 2020 @ 22:35
By

Benepisyo ng yumaong guro pinagkait ng GSIS sa pamilya nito

Nireklamo ng isang netizen ang tila highway robbery na ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS) sa benepisyo ng yumao niyang amang si Cesar Montana na 32 taong nagsilbi bilang public school teacher.

Kwento ni Nino Casono sa Facebook, magreretiro dapat nung July 13, 2019 ang kanyang ama at nagsumite ito ng aplikasyon sa GSIS Tacloban para rito nung June 27, 2019 na kinilala naman ng ahensiya.

Nung araw ding iyon, inatake ang kanyang ama at naospital, kaya pinayuhan siya ng mga katrabaho ng kanyang ama na pakiusapan ang GSIS para maiurong ang retirement date dahil delikado na ang kalagayan ng kanyang ama.

Tinanggihan sila ng GSIS dahil naipadala na raw sa Maynila ang papeles.

July 2, 2019 pumanaw ang kanyang ama, kulang nang 11 araw para sa inihaing aplikasyon para sa retirement.

Nang dumulog sila sa GSIS, sinabi sa kanilang kalahati na lamang ng total retirement benefit ang kanilang matatanggap bilang mga tagapagmana.

Inayos ni Nino ang funeral benefits nung October 2, 2019 at binigyan siya ng GSIS ng tentative computation na aabot ng P170,000 ang benefits kasama na ang P30,000 na funeral benefits.

Sinabihan pa siya na may P360,000 silang matatanggap na survivorship na hahatiin sa kanilang magkakapatid. HIntayin na lamang daw niya ang text.

Nang bumalik siya para mag-follow-up matapos ang isang linggo, sinabihan siya ng GSIS na wala silang matatanggap ni isang kusing dahil may utang daw ang kanyang ama at pinalalabas na may mahigit na P30,000 pang bayarin ang kanyang ama.

“I’m trying to calm myself but this is over. We’re not fighting this for money’s sake. Ipaglalaban ko ‘to dahil ayokong masayang yung 32 years na serbisyo ng Papa ko sa Gobyerno. He worked for this and for his family, pinagpaguran. Ikinamatay para sa pamilya,” sabi niya.

Tinanong ng Abante ang GSIS tungkol dito ngunit hindi ito nagbigay ng pahayag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?