6,094

Mar 24, 2018 @ 17:07
By

Benepisyo ng ‘wonder gulay’ na malunggay

Marami ang nagtataka kung bakit tinawag na ‘wonder gulay’ ang malunggay, ito ay dahil sa dami ng mga sustansiya at benepisyo na naihahatid nito sa katawan.

Bukod sa paglahok sa ulam na gulay, mayroon ding tinapay na mula sa malunggay, noodles at iba pa.

Ang dahon ng malunggay ay punong-puno ng calcium at iron.

Ang calcium ay nagpapatigas ng ating buto at panlaban sa osteoporosis. Kung ikaw naman ay anemic o kulang sa dugo, sagana ang malunggay sa iron na nagpapadami ng ating dugo.

Mataas din sa protina, potassium, vitamin A at vitamin C ang malunggay.

Ang mga bitaminang ito ay tinatawag na anti-oxidants.

Ito ‘yung lumalaban sa stress at nagpapabagal sa pag-edad ng ating katawan.

Kumpara sa ibang prutas at gulay, ang malunggay ay may taglas ng mas maraming bitamina.

Super-gulay talaga ang malunggay. Ang problema lang ay dapat masanay ang bata na kumain nito.

Ang prutas ng malunggay ay masustansiya rin at mataas sa carbohydrates, calcium, iron at phosphorus.

At dahil sa bitamina nito, ang malunggay ngayon ang pinapakain sa mga payat at malnourished na bata.

Mura at masustansiya ang malunggay. Puwedeng-puwede sa mga feeding program ng gobyerno at mga volunteer group.

Maaaring maging lunas ang malunggay sa:

Pampalakas ng katawan — Kumain ng 1 tasang dahon ng malunggay araw-araw para mapunuan ang bitaminang kailangan ng katawan.

Pampadami ng gatas ng ina — Kapag kulang ang gatas ng ina, kumain din ng 1 tasang dahon araw-araw. Puwede rin pakuluan ang dahon at gawing tsaa at inumin.

Para sa constipated — Kapag ika’y tinitibi, kumain din ng 1-2 tasang dahon sa gabi. Makatutulong ito sa pagnormal ng iyong pagdudumi.

Itapal sa sugat — Kapag ika’y may sugat, puwedeng ilagay ang dinurog na malunggay leaves sa sugat. Hugasan muna ang dahon at durugin ito. Lagyan ng konting tubig at initin. Pagkatapos ay ilapat ang malunggay “paste” sa sugat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?