21

Aug 6, 2020 @ 23:09
By

Belmonte sinisi DOH sa bagal ng contact tracing

Sinisisi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Department of Health (DOH) ang pagkaantala ng ilang araw ang kanilang contact tracing dahil hindi nakapagbibigay ng kumpletong impormasyon sa ilang kaso ng COVID-19.

Aniya, upang mapadali ang contact tracing sa lungsod, dapat na tiyakin ng DOH na kumpleto ang binibigay na impormasyon ukol sa mga COVID-19 positive patient.

Sa liham na ipinadala ni Belmonte kay DOH Secretary Francisco Duque III na may petsang Agosto 4, sinabi nito ang kabiguan ng kagawaran na magbigay ng kumpletong impormasyon kaya naaantala ang kanilang pagsasagawa ng contact tracing araw-araw.

Dahil aniya dito kaya napipilitan ang mga frontliner na maghanap ng kinakailangan impormasyon sa pamamagitan ng ‘sources’ kabilang ang social media.

“The lack of available information from the outset, specifically addresses and contact numbers, amounting to half of all cases reported, delays contact tracing by days,” giit ni Belomonte.

Inihalimbawa ng alkalde, sa 1,224 na kasong naitala ng DOH sa Quezon City mula Agosto 1 hanggang 2, may 573 o halos kalahati ang walang address o contact number.

Giit ng alkalde, dahil sa kakulangan sa impormasyon, nauubos ang oras ng pamahalaang lokal sa koordinasyon sa mga disease reporting unit, mga laboratoryo at ospital upang humingi ng impormasyon na dapat una palang napunan na.

Nabatid na noong Agosto 5, nakapagtala ng 7,355 DOH-confirmed COVID-19 cases sa Quezon City at 2,250 ang active cases, 4,695 ang gumaling at 309 ang namatay dahil sa virus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?