69

Feb 11, 2020 @ 17:16

Bello: Mga ABS-CBN worker aalukin ng trabaho, ayuda

Pinaghahandaan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sakaling tuluyang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Tiniyak ni DOLE Secretary Silvestre Bello na mahihirapan man, handa ang gobyernong umayuda sa 10,000 regular at non-regular employees at talents na posibleng mawalan ng trabaho kapag mapilitang isara ang TV network.

Anuman aniya ang resulta sa Supreme Court at sa Kongreso, nakapaghanda na ang ahensiya ng short-term financial assistance, at handa silang mag-alok ng minimum wage jobs at posibleng livelihood assistance sa pamamagitan ng mga pautang.

“Malaking sakit ng ulo sa amin kasi we have to provide them immediate response. Magiging malaking problema iyan, but we just need to prepare for that,” wika ni Bello sa CNN Philippines ngayong Martes, Pebrero 11.

“Assuming na ma-terminate ang prangkisa ng ABS-CBN, ang mangyayari siyempre may mga kukuha siguro, magkakaroon ng new owners, siguro naman ia-absorb nila (ibang media network) ang mga employees ng ABS,” hayag pa niya. “Hindi namin pwedeng pabayaan ang mga manggagawa. Bibigyan namin ng emergency employment ‘yan. Bibigyan namin sila ng trabaho.”

Lunes ng umaga, Pebrero 10, 2020, nang maghain si Calida ng isang “very urgent omnibus motion” para sa Korte Suprema para ipawalang-bisa na ang prangkisa ng ABS-CBN at ng digital media arm nito.

Inakusahan ni Calida ang ABS-CBN ng paglabag sa constitutional limit ng dayuhang pagmamay-ari na nililimitahan ang lahat ng media companies sa 100% Filipino equity. Giit ni Calida, may ‘corporate layering scheme’ ang Lopezes para hakbangan ang Kongreso sa paglilipat ng prangkisa nito.

Matatapos ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, 2020 at napaulat na pinakiusapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang House committee on franchise na huwag magsagawa ng pagdinig ukol sa pagpapalawig ng naturang prangkisa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?