101

Oct 22, 2020 @ 23:44

Belgica sinampahan ng reklamo ng mga Duty Free employee

Sinampahan ng reklamong graft at administratibo sa Office of the Ombudsman ng ilang empleyado ng Duty Free Philippines (DFP) si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica.

Sa 27-pahinang reklamo ng grupo ni Alexander Sablan, lumapit umano sila kay Belgica para humingi ng tulong matapos silang tanggalin bilang mga empleyado ng DFP.

Nangako umano sa kanila si Belgica na sila ay tutulungan sa kaso at pinaasa umanong maibabalik sa kanilang trabaho.

Pinagbayad din daw sila ng P1,000 sa bawat pahina ng kanilang reklamo hanggang sa umabot ito sa P130,000 at pinapirma sa mga dokumento na may kaugnayan sa umano’y smuggling sa loob ng Duty Free.

Maraming beses daw silang inimbitahan ni Belgica pero para pag-usapan ang tungkol sa labor-only contracting.

Makalipas ang tatlong taon ay nagulat umano ang mga complainant dahil naglabas ng rekomendasyon ang commissioner subalit hindi kasama sa kakasuhan ang mga inireklamo nilang opisyal ng Duty Free.

Duda ng mga nagreklamo, pinoprotektahan umano ni Belgica ang COO ng Duty Free na si Vicente Pelagio Angala kapalit umano ng maaaring suportang ibibigay nito sa political ambition ng una.

Dahil doon, gusto nilang papanagutin si Belgica sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct, Conduct Prejudicial to the Service, at Gross Inexcusable Negligence.

Samantala, handang sagutin ni Belgica ang reklamo laban sa kanya ng mga inalis na empleyado ng DFP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?