193

Oct 19, 2019 @ 19:53
By

Belgica kay Duque: Kapag ikaw na ang nakaupo, hindi ka na dapat magturo

Nasa balag ng alanganin ang ilang opisyal ng Department of Health (DOH) na iniimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil sa isyu ng iregularidad at korapsiyon.

Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na maraming nahukay na anomalya sa ahensiya gaya ng mafia sa PhilHealth, guarantee letters for sale, korapsiyon sa Food and Drugs Administration at ang isyu sa Dengvaxia na siyang dahilan para imbestigahan ang mga sangkot dito.

Malapit na aniyang matapos ang report ng PACC at irerekomenda nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin at pagbakasyunin ang mga ito.

“Patapos na kami sa aming report and recommendation. Mayroon nang mga opisyal na irerekomenda naming sibakin sa puwesto, mas marami po ‘yung opisyal na irerekomenda naming pagbitiwin muna habang patuloy ang imbestigasyon,” ani Belgica.

Binigyang-diin ng commissioner na suportado ng mga ebidensiya ang kanilang ginawang imbestigasyon bukod pa ito sa saksing nagpupunta sa kanilang opisina at ang mga testimonya sa mga imbestigasyon ng Senado.

Sinabi pa ni Belgica na medyo maluwag ang sistema sa DOH kaya madaling makagawa ng anomalya ang ilang opisyal at kawani ng ahensiya.

“Napakalaki nito, 4 billion pesos a week. Mabigat ito, ang sinabi nila na pondo ng Philhealth na open to corruption. Ganyan kalaki ang ginagastos,” dagdag pa ni Belgica.

Kaugnay naman sa naging pahayag ni Health Secretary Francisco Duque na hindi sa kanyang termino nangyari ang mga anomalya bagkus ay minana lamang niya ito, sinabi ni Belgica na dapat ay may ginawa ang kalihim para matigil ang mga ganitong anomalya sa ahensiya.

“Meron pong mga namana si Secretary Duque, pero without preempting anything pag ikaw na kasi ang umupo, hindi ka na puwedeng magturo. Anong ginawa mo after,” wika pa ni Belgica

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?