63

Oct 17, 2017 @ 13:43

Bebot, tumilapon sa bundol

Nabundol ng rumaragasang kotse ang isang babae habang tumatawid ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila, madaling-araw ng Martes.

Batay sa kuha ng CCTV sa Brgy. 334, Zone 33, makikita ang biktima na kinilalang si Dianne Viesca, 27-anyos, na tumilapon matapos salpukin ng sasakyan na minamaneho ni Jeremy Ayat.

Sa pagsisiyasat ng opisyal ng barangay na si Elizabeth Barnachea, pauwi na sana ang biktima mula sa kanyang trabaho bilang pump attendant sa isang gasoline station nang mangyari ang insidente alas-dos ng madaling-araw.

Humingi naman ng paumanhin ang nakasagasang driver na umaming nakainom ng alak nang maganap ang insidente.

Paliwanag niya, hindi niya napansin ang biktima habang tumatawid.

Agad namang isinugod sa Metropolitan Hospital ang biktima para lapatan ng lunas na masuwerte namang nasugatan lamang.

Habang dinala naman sa kustodiya ng Manila Traffic Bureau ang nakasagasang driver para sa kaukulang imbestigasyon. (Rickylove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?