225

Nov 8, 2017 @ 13:46
By

Bebot na ‘most wanted’ ng Marikina, nalambat

Nalambat na rin sa matagal na pagtatago sa batas ang isang babaeng kinikilalang “most wanted person” na nahaharap sa patong-patong na kaso matapos ang isinagawang intelligence/manhunt operation, kamakalawa sa Marikina City.

Sa report na ipinadala ni SSupt. Roger Quesada, chief of police ng Marikina City Police Station, kay Eastern Police District Director CSupt. Romulo Sapitula, naaresto na si Maria Grace Prestoza y Membrano, 41-anyos, buy and sale agent, tubong Pangasinan, at residente ng No. 2 ML Quezon St., Parang, Marikina matapos magsagawa ng operasyon na pinangunahan ni Intelligence Unit personnel PCI Glen Aculana.

Batay sa report, nadakip si Prestoza bandang alas-sais kamakalawa ng gabi sa loob ng kanyang bahay at iprinisinta ang warrant of arrest na may Criminal Case No. 17-18346-MK na inisyu sa sala ni Hon. Judge Felix Reyes ng RTC Branch 272 ng Marikina City sa kasong carnapping.

Si Prestoza ay Top #15 most wanted person ng Marikina City dahil sa kaugnayan nito sa panloloko ng buy and sell ng mga lupa, sasakyan at iba pang properties na nagtutugma sa kasong estafa at iba pang carnapping complaints na isinampa sa ibang korte.

Kasalukuyang nakakulong si Prestoza sa Marikina City Police Station Female Lock-up detention cell habang inihahanda ang commitment order na paglalagyan niya.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Sapitula na magsampa ng kaso ang mga nabiktima ni Prestoza upang tuluyan nang matapos ang kaso at mahatulan na ang suspek. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?