77

Dec 12, 2017 @ 16:32
By

Bebot na tulak huli sa buy-bust

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang dalaga na sinasabing tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Pasong Tamo sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ang suspek ay kinilalang si Robelyn Sison, 18-anyos, na nakatira sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Nadakip si Sison dakong alas-nuwebe ng gabi sa loob ng kanyang tahanan pero ang boyfriend nito na isang alyas Khamar Salik na siyang target ng buy-bust operation dahil sa talamak nitong pagbebenta ng iligal na droga sa lugar ay nakatakas.

Batay sa report, nang maispatan ni Salik ng mga pulis ay agad itong umakyat ng bubong at dinaig pa si spiderman na nagpalipat-lipat para tumakas.

Ang kanyang girlfriend na si Sison na iniwanan ay mabilis namang dinakma habang aktong inaabot ang dalawang sachet ng shabu sa isang police asset.

Nakuha rin mula kay Sison ang P1,500 na marked money na siyang gagamiting ebidensiya laban sa kanya.

Bagama’t aminadong gumagamit ng droga, itinanggi naman ni Sison ang paratang na nagbebenta siya ng shabu.

Si Sison ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act habang tinutugis pa ang kanyang boyfriend.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?