55

Oct 18, 2017 @ 13:11

Bebot na recruiter ng terrorist group, arestado

Nasakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI)-Counter Terrorism Division ang babaeng inaakusahang nagre-recruit ng mga bagong miyembro ng Maute terror group.

Iprinisinta sa media sa NBI ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang suspek na si Karen Aizha Hamidon, 36-anyos, na sangkot din umano sa pagpapakalat ng radical Islamic propaganda.

Naaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa Taguig City matapos magsagawa ng search operation ang NBI noong ika-11 ng Oktubre, taong kasalukuyan.

Ayon kay Aguirre: “She is now facing 14 counts for violation of Article 138 of the Revised Penal Code (Inciting to Rebellion or Insurrection) in relation to Section 6 of the Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act of 2012) before the Department of Justice.”

“Rebellion charges will also be filed by the NBI against Hamidon in relation to her 296 social media posts supposedly calling on foreign and local Muslims to join the fight against government forces in Marawi.”

Maliban sa pagre-recruit ng mga lokal na terorista para makipagbakbakan sa Marawi City ay nanghihimok din umano ang suspek ng mga dayuhan para umanib sa international terror group na ISIS.

Sinabi naman ni NBI Director Dante Gierran, na naging person of interest si Hamidon noong kalagitnaan ng taong 2016 matapos itong makahikayat ng ilang mga Indian nationals na pumunta sa Pilipinas para sumali sa radical Islamic groups sa Mindanao.

Narekober sa cell phone ni Hamidon ang 296 posts nito na nanghihikayat ng mga bagong miyembro ng ISIS.

Si Hamidon ay sinasabing asawa ni Mohhamad Jaafar Maguid alyas Tokboy at Abu Sharifa na itinuturong lider ng Ansar Khalifa Philippines na responsable sa pambobomba sa Davao City night market noong Disyembre, 2016.

Naging maybahay din umano ang recruiter ng Singaporean na si Muhammad Shamin Mohammed Sidek na konektado rin sa ISIS.

Nakapiit ngayon ang salarin sa detention facility ng NBI headquarters sa Maynila. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?