277

Jun 28, 2019 @ 17:53
By

Bebot na nagpuslit ng droga sa nakakulong na live-in partner, timbog

Himas-rehas ang isang babaeng dalaw matapos na makuhanan ito ng shabu na para sana sa kanyang live-in partner na nakakulong sa Pasig City Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa nabatid na lungsod.

Hindi na pumalag matapos arestuhin ang suspek na nakilalang si Maria Fe Soria, nasa hustong gulang, matapos makuhanan ito ng ilang sachet ng pinaniniwalaang shabu sa kanyang coin purse ayon kay Supt. Emmanuel Tolentino, jail warden ng Pasig City BJMP.

Ayon kay Tolentino, isa sa mga dalaw si Soria sa Pasig BJMP na matatagpuan Sa Molave st. Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan.

Dadalawin sana ng suspek ang kanyang kinakasama na si Adonis Alpao, na nakakulong dahil sa kasong iligal na droga nang mapansin ng jailguard na si Jail Officer 2 Michelle Latao na tila balisa ang babae.

Nang inspeksyunin ni Latao ang laman ng coin purse ni Soria doon na nakita ang apat na sachet ng shabu na nakalagay dito.

Inamin naman ng suspek na ang nakuhang shabu ay para sana sa kanyang live in partner.

Ayon pa kay Tolentino agad nilang isinailalim sa drug test ang suspek at nagpositibo ang resulta nito.

Dahil sa pangyayari ay ipinag-utos ni Tolentino ang agarang pagsasailalim sa drug test ang 30 inmates na kasamahan ni Alpao sa selda.

Mayroong 1,506 na preso ang Pasig BJMP kung saan 77 porsyento sa mga ito ay may kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?