73

Dec 16, 2017 @ 10:46
By

Bebot na holdaper timbog sa Batangas

Nadakma ng mga pulis ang isang babaeng holdaper matapos pumalag ang lolang kanilang nabiktima sa Brgy. Cuta, Batangas City kamakalawa ng hapon.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Analiza Perez y Zonio, 45, residente ng Brgy. San Jose, Montalban, Rizal, nang kuyugin ito ng mga tambay na hiningan ng tulong ng biktima.

Nakatakbo naman ang kasama nito na si Karla Cabuenas.

Batay sa report ng Batangas City Police, bandang ala-una ng hapon habang nasa palengke ang biktimang si Agnes Mendoza y Myers, 71, isang balikbayan, nang maramdaman nito na nilalaslas ng mga suspek ang kanyang bag.

Subalit agad itong tinutukan ng patalim ng mga suspek at sinabihan na huwag nang pumalag at pera lang umano ang kailangan nila.

Patalilis na sana ang mga suspek matapos makuha ang bag ng biktima na naglalaman ng US$200 at iba pang mga papeles, nang biglang yapusin ito ng biktima sabay hingi ng tulong.

Agad naaresto si Perez at nabawi dito ang mga ninakaw na gamit.

Inihahanda na ngayon ang kaso laban dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?