202

Dec 22, 2017 @ 15:59
By

Bebot na big-time shoplifter, timbog sa mall

Timbog ang isang bebot na big-time kung mang-shoplift matapos na mahuli sa akto na nangungulimbat ng nasa 67 piraso ng T-shirt sa isang mall sa tulong na rin ng CCTV sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo, alas-singko umano ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng Victory Mall na matatagpuan sa Rizal Avenue, Monumento ng nasabing lungsod

Base sa salaysay ng biktimang si Wenilyn Cailer, may-ari ng Wencailer’s Marketing na matatagpuan sa ikalawang palapag ng nasabing mall, ilang oras umano bago iyon ay nagsasagawa umano sila ng inventory.

Dito nila nadiskubre na kulang ng 67 piraso ang paninda nilang T-shirt.

Siniyasat nila ang CCTV footage upang malaman kung bakit nawala ang ganoon kadaming paninda nila at nadiskubre ang dalawang babaeng suspek na ang isa ay kinilalang si Mylene dela Cruz, 39-anyos, walang hanapbuhay, may kinakasama at residente ng Malolos Avenue, Barangay 153, Bagong Barrio, na nagnanakaw sa kanilang stock room.

Bunsod nito ay inalarma na ni Cailer ang mga tauhan kung saan namataan na bumalik ang salarin at nang mapansin na magnanakaw uli ay humingi na sila ng tulong sa security personnel ng mall at ipinadakip ang suspek.

Ipinakita ni Cailer sa mga security ang kuha sa CCTV na kitang-kita ang salarin.

Bunsod nito’y idiniretso sa pulisya si Dela Cruz na walang tigil sa kakaiyak, ngunit buo ang pasya ni Cailer na sampahan ito ng kaso. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?