117
tnt_dead
Nov 7, 2017 @ 16:37

Bebot na angkas sa motorsiklo, napisak sa truck

Dedbol ang isang babae habang sugatan ang live-in partner nito matapos sumalpok sa isang AUV at magulungan pa ng trailer truck ang sinasakyang motorsiklo ng mga ito nitong Lunes ng gabi sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Kinilala ni PO3 Andy Sotto, ng Quezon City Police District Traffic Sector 6, ang biktima na si Maribeth Barde, na namatay noon din sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan, habang ang kinakasama niyang si Cris Bernal ay isinugod sa kalapit na ospital.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Traffic Sector 6, galing ang mga biktima sa Balintawak at papunta sana ng Mindanao Avenue nang pagdating sa Quirino Highway ay sumalpok

ang motorsiklo ng mga ito sa bumukas na likurang pinto ng isang AUV.

Dahil sa lakas ng impact, tumalsik ang motorsiklo na sinasakyan ng mga ito. Nagkataon naman na may paparating na trailer truck at nahagip ang babaeng angkas.

Samantala, parehong nakakulong ngayon sa QCPD Traffic Sector 6 ang drayber ng AUV na si Raymond Sevilla, at ang drayber ng trailer truck na si Jaime Gutang.

Itinanggi Sevilla na bumukas ang pinto ng sasakyan sa likuran ng driver’s seat kung saan sumalpok ang motor ng mga biktima. Iginiit naman ni Gutang na wala siyang kinalaman sa aksidente dahil marahan lamang ang pagpapatakbo niya at ang motor ang tumalsik sa gulong ng truck niya.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, at damage to property ang mga nasabing driver. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?