44

Dec 25, 2017 @ 18:34
By

Bebot kritikal sa namaskong kapitbahay

Nakikipaglaban ngayon kay Kamatayan ang isang babae matapos na walang habas na pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay na lango sa alak nang maliitan ito sa ibinigay na pamasko ng una at kinakasama nitong sugatan din sa insidente sa Caloocan City ilang oras na lamang bago mag-Pasko.

Sa ulat ni PSSupt. Jemar Modequillo ng Caloocan City Police, ganap umanong alas-10:00 ng gabi nangyari ang insidente sa Barangay 160, Sta. Quiteria ng nasabing lungsod. Naglalakad malapit lang din sa kanila ang mag-live in partner na sina Rowena Gulha at Christian Tiangsco nang salubungin sila ng suspek na nakilala lamang sa alyas Mark.

Gegewang-gewang na noon sa kalasingan ang suspek nang hingan ng pamasko ang mga biktima na ipangdadagdag umano nila ng kainuman na pambili ng alak at pulutan kaya’t napilitang magbigay ang dalawang biktima

Naliitan sa halaga ng ibinigay ng dalawang biktima si Mark kaya’t nagalit ito at nagkaroon na ng pagtatalo.

Sa kagitnaan ng bangayan ay bumunot ng patalim si Mark at pinagsasaksak ang babaeng biktima. Masuwerte namang nakailag ang lalaki na mga tama lang sa kamay at braso ang tinamo nang siya naman ang pagbalingang saksakin ng suspek.

Agad tumakas ang suspek at sa kasalukuyan ay tinutugis na ito. Patuloy namang inoobserbahan ang kalagayan ni Gulha na nasa kritikal pa ring kondisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?