119
arrested
Mar 17, 2019 @ 16:47
By

Bebot huli sa ‘extortion’ sa mall

Swak sa piitan ang isang babae sa isinagawang ‘entrapment operation’ na ikinasa ng mga awtoridad sa loob ng isang mall nang umano’y tangkaing kikilan ng pera ang isa ring babae, kapalit ng hindi pagpapaskil ng mga hubad na larawan nito sa internet sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si Joy Eunice Nool, alyas ‘Via,’ 24-anyos, ng Brgy. San Andres, Victoria, Tarlac.

Si Nool ay inaresto ng QCPD- Masambong Police Station (PS 2), na pinamumunuan ni P/Supt. Rodrigo Soriano, dakong alas-3:00 ng hapon (March 16) matapos na ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang Rhea, 24-anyos, residente ng Marikina City.

Una dito ay dumulog sa pulisya si Rhea, matapos umanong magbanta ang isang Ethan Andrei Ricafort, na pinaniniwalaang si Nool din, na nakilala lamang niya sa isang social media site, na ipapaskil ang kanyang mga hubad na larawan sa internet at upang hindi umano ito gawin ay kailangang magbigay ng pera ang biktima sa suspek.

Agad namang nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis at nadakip ang suspek sa Foodcourt ng Trinoma Mall, sa EDSA kanto ng North Ave. Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, habang aktong tinatanggap ang P1,000 entrapment money mula sa biktima.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang di pa batid na uri ng bala, na ayon dito ay isa lamang anting-anting o amulet.

Si Nool, na dati nang may kasong pagnanakaw noon pang 2012, ay nakapiit na sa Masambong Police Station at sasampahan ng kasong extortion sa piskalya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?