465

By

Bebot galing inuman, na-hit and run

Sharing is caring!

Todas ang 28-anyos na babae makaraang masagasaan at takbuhan pa ng isang rumaragasang sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City kaninang madaling-araw.

Kinilala ni P/Supt. Welson delos Santos, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit, ang biktima na si Harleekay Catbangan, 28, empleyada ng isang convenience store at nakatira sa No. 942 International 19, Bilibid Bijo, Quiapo, Maynila.

Si Catbangan ay nakita na lamang na duguang nakahandusay at wala nang buhay sa Commonwealth Avenue sa tapat ng King Bee Restaurant sa Brgy. Holy Spirit, ng nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na report ni P/Chief Insp. Roldante Sarmiento, Traffic Sector 5 commander, dakong alas-12:54 ng madaling-araw nakita na lamang ng mga kasamang sina Rodel Palingan, Eugene Pusa at John Cedric ang biktima na nakahandusay sa naturang kalsada matapos umanong masagasaan ng hindi batid na sasakyan.

Lumitaw sa imbestigasyon na galing umano sa birthday celebration sa nasabing restaurant si Catbangan at matapos na makipag-inuman ay nagpaalam na sa kanyang mga kasama na uuwi na umano siya.

Marahil dahil sa nakainom ay hindi umano napansin ng biktima ang isang humaharurot na sasakyan at bigla itong sinalpok at tumilapon may ilang metro sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente.

Agad namang isinugod si Catbangan sa East Avenue Medical Center subalit hindi na naisalba ang kanyang buhay dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?