104

Dec 28, 2017 @ 15:48
By

Bebot, 2 pa arestado sa pagbenta ng bawal na paputok sa internet

Arestado sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlo katao na kinabibilangan ng isang babae at dalawang lalaki na nagbebenta sa internet ng mga malalakas at bawal na paputok sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Batay sa report kay QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, naaresto sina Maria Celeste Lingad, 38; Alvin Abainza, 38; at Danilo Tupas, 41, dakong alas-7:53 ng gabi sa isang kilalang food chain sa Mindanao Avenue cor. Congressional Avenue, ng nasabing lungsod

Ayon kay Supt. Rogart Campo ng QCPD-District Special Operations Unit, nagkasa sila ng entrapment operation matapos mapag-alaman na mayroong bentahan ng mga paputok sa internet.

Dito ay nagplano ang mga awtoridad at isang asset ng mga pulis ang nagkuwaring kostumer at bibili ng mga paputok sa tatlo at nagkasundong magkikita sa isang food chain para makuha ang order.

Sa aktong iniaabot ng mga suspek ang mga paputok na sawa, judas belt, whistlebomb, trianggulo at iba pang uri ng malalakas na paputok ay agad inaresto ang tatlong nabanggit na suspek.

Nabawi mula sa mga suspek ang tinatayang P90,000 halaga ng iba’t ibang uri ng bawal na paputok na nakalagay sa kanilang sasakyan na Isuzu Crosswind.

Wala ring naipakitang dokumento ang mga suspek tulad ng ‘license to operate’ at ‘permit to transport’.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?