59

Jan 29, 2020 @ 14:01
By

BD nakiisa kay KB

Nakailang beses ding tumapak si Kobe Bryant sa Big Dome, ang pinakamakasaysayang coliseum ng bansa.

Huli siyang naglaro doon noong Hulyo 23-24, 2011 nang maging player-coach ng NBA stars sa dalawang exhibition matches na tinawag na Ultimate Weekend.

Nakalaro nila ang PBA Selection at Smart Gilas.

At nitong Lunes (PH time), Enero 27, sa araw ng pagkamatay ni Kobe ay nagluksa ang Coliseum.

Linggo ng umaga sa Calabasas, California nang bumagsak ang helicopter na sinakyan ni Kobe, kasama ng 13-anyos na anak na si Gianna at pitong iba pa.

Dumagsa ang daan-daang fans sa Green Gate ng Smart Araneta Coliseum para magpugay sa Black Mamba.

Kahit ang mga hindi naman talaga mahilig sa basketball, naantig.

Inilawan ng Kobe colors na purple-and-gold ang buong Big Dome.

Pagpatak ng eksaktong 8:24 ng gabi, sabay-sabay silang nagsindi ng kandila. Tribute ito sa dalawang jersey numbers ni Kobe – 8 at 24 – na ginamit niya sa loob ng 20 seasons sa Lakers at nakasabit na ngayon sa rafters ng Staples Center.

Kanya-kanyang bitbit ng pinakatago-tago nilang Kobe memorabilia – jerseys, sneakers, pictures.

Mabilis na napuno ang nilagay ng Smart Araneta na message wall, sinulatan ng mensahe ng pagmamahal at pasasalamat kay Kobe.

Mamba Out!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?