23

Oct 15, 2020 @ 22:28
By

BCDA may pinaborang contractor sa P8B SEAG contract – COA

Binunyag ng Commission on Audit (COA) na pinaboran ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang isang contractor sa P8.510 bilyong kontrata para sa paggawa ng mga sports facility at iba pang gagamitin sa isinagawang 2019 Southeast Asian Games sa bansa.

Binanggit ng COA ang mga sports facility sa New Clark City sa Tarlac na naiselyo sa pamamagitan ng isang unsolicited proposal sa halip na dumaan sa competitive bidding.

Binigyan daw ng mas mahabang panahon ang MTD Capital Berhad para mapag-aralan ang proposal ng BCDA.

“The Minutes of Board meetings show there have been discussions between BCDA and MTD about the sports facilities even before September 6, 2017 or more than two months before the issuance of the Certification of Successful Negotiation on November 10, 2017, while prospective bidders were only given 30 days to study the specifics of the project,” punto ng audit team.

Giit ng pamunuan ng BCDA, inaprubahan na ng National Economic and Development Authority ang pagpapaunlad sa Philippine Sports City sa Tarlac na isasagawa dapat sa 2021 para sana sa pagho-host ng bansa sa 2023 SEA Games.

Pero dahil napaaga ang pagho-host ng bansa sa regional games noong 2019 ay nangailangan ang BCDA na mangalap ng lahat ng paraan para mapaunlad ang mga pasilidad na papasa sa mahigpit na certifications para sa mga international sports meet.

Dagdag ng BCDA, hindi nila pinaboran ang MTD at ang naging bentahe lang ng kompanya ay oras at preparasyon na kadalasan daw kaso sa mga unsolicited proposal.

“Nevertheless, it did not have any undue advantage because the proposal still underwent both the required rigorous negotiation process, as can be seen in the dramatic reduction in the project cost and, equally important, the required Swiss Challenge or Competitive Challenge,” paliwanag ng BCDA sa audit team.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?