114

By

BBL pasado na sa bicam

LUSOT na sa bicameral conference committee ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ito ay matapos ang anim na araw na marathon hearings na isinagawa ng mga kongresista at senador katuwang ang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC).

Ayon kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, historical itong maituturing lalo na’t ito ang itinuturing niyang huling aksyon para sa kapayapaan sa Mindanao.

Tiniyak naman ni Senate Commitee on Local Government chairman Sonny Angara na kayang lusutan ng binalangkas nilang panukala ang anumang kuwestiyon sa constitutionality.

“Naniniwala po tayo na ang nilalaman ng BBL ay naaayon sa Saligang Batas. Ito ang natatanging hakbang para sa wakas ay magkaroon na ng katuparan ang layunin nating maresolba ang mga ‘di pagkakaunawaan nang sa gayon ay umusad ang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro region, “saad ni Angara.

” Umaasa po tayo na sa sandaling mapagtibay ang panukalang ito ay masasaksihan na natin at mararamdaman na ng mga kababayan natin sa Mindanao ang tunay na kapayapaan at pag-unlad sa kanilang rehiyon na ilang dekada nang binabalot ng sigalot,” dagdag pa nito.

Target ng kumite na maratipikan ang kanilang report sa dalawang Kapulungan ng Kongreso sa Lunes upang malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address.

Sa plano rin ng kumite, nais nilang itakda ang plebesito para sa panukala sa Nobyembre at kung aaprubahan ito ng mga residente ay itatag ang Bangsamoro Transition Authority sa Disyembre.

Itatakda namab ang unang halalan sa mga opisyal sa Bangsamoro Region kasabay ng National election sa 2022.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?