56

Dec 20, 2017 @ 16:41
By

BBL muna bago Sereno impeachment – Zubiri

Hiniling ni Senador Juan Miguel Zubiri sa House committee on justice na ipagpaliban muna ang pagdinig sa impeachment complaints laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ay upang hindi muna umakyat ang reklamo sa Senado kahit hanggang sa ikalawang quarter ng taong 2018.

Kapag inakyat sa Senado ang impeachment complaint, obligado aniya silang gawin itong prayoridad.

Ayon kay Zubiri, kapag nangyari ito, matatagalan ang pagtalakay sa mahahalagang panukalang batas kung saan pangunahin ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Kinausap na umano ni Zubiri si Congressman Reynaldo Umali na chairman ng House justice committee na nagsabi umano na posibleng sa Marso pa nila matatapos ang pagdinig sa mga reklamo laban kay Sereno.

“I’m a bit nervous dito sa impeachment proceedings. I spoke to Cong. Umali the other day and I said Chairman Umali, baka naman pwede kung magkakaroon talaga ng impeachment, i-delay ninyo hanggang second quarter kasi napakarami pang mga batas ang kailangan natin pagdebatehan,” sabi ni Zubiri.

“Sabi nya mukhang March talaga nila matatapos yung hearings, so I said if that’s the case, we will fast track the hearings and debates here,” pahayag ni Zubiri.

Aniya, kailangan nilang unahina ng BBL dahil matagal na itong hinihingay ng mga moro sa Mindanao at mahirap nang isipin kung ano ang mangyayari sa Mindanao at sa buong bansa kung hindi ito isasabatas.

Si Zubiri ang inatasan ng senado na manguna sa mga pagdinig ukol sa panukalang BBL.

Magpapatawag umano siya ng marathon sessions na inaasahan niyang dadaluhan na ng mas maraming cabinet members dahil priority measure ito ng administrasyon at lagi itong binabanggit ni Pangulng Duterte sa mga pagdinig.

Sa unang BBL hearing kaninang umaga, sinabi ni Zubiri na nasorpresa sya dahil si Presidential Peace Adviser Jesus Dureza lang ang dumating buhat sa gabinete. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?