By

BBL, mas palalakasin sa Senado – Zubiri

Sharing is caring!

Winakasan na ni Senador Juan Miguel Zubiri ang mga public hearing ng Senado sa panukalang Bangsamoro Basic Law.

Sinabi ni Zubiri, chairman ng Senate subcommittee on the BBL, na nakapagdaos sila ng 11 pagdinig publiko mula noong nakaraang taon.

Ilan dito ay idinaos sa Marawi City, Basilan, Sulu, Tawi-tawi, Cagayan De Oro City at Iligan City na pawang kabilang sa ipasasakop sa Bangsamoro Autonomous Government na lilikhain sa ilalim ng BBL.

Tinitiyak ni Zubiri na naaayon sa Konstitusyon pero hindi magiging mahina ang BBL.

“We will not water down the measure, as much as possible we will strengthen it. Hindi ko pwedeng pahinain kasi mapapahiya lang ako sa mga kababayan natin sa Bangsamoro,” sabi ni Zubiri.

Tiniyak din nito na magkakaroon ng sapat na mekanismo para mabantayan ang P72 bilyon na balak na gawing block grant o awtomatikong budget ng Bangsamoro Autonomous Government kada taon.

Ikukonsidera ang mungkahi kanina ni Finance Secretary Sonny Dominguez na huwag iyong ibigay nang isang bagsak kundi ilang bigay at may partikular nang patutunguhan.

Ayon kay Zubiri, hindi naman unique roon ang pagbibigay ng block grant dahil mayroon din nito ang ibang rehiyon gaya ng Region 10 na nakatatanggap ng P83 bilyon, sa Region 9 na mayroong P7 bilyon at Region 11 na mayroong P78 bilyon na grant o development fund para sa rehiyon. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?