61

BBL hindi aaksiyunan ng Senado

Sharing is caring!

Kahit magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session ng Kongreso, hindi pa rin mapagbibigyan ang gusto niyang apurahin ang pagtalakay at pagsasabatas ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sinabi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na hindi pa nila ito matatalakay sa plenaryo dahil nasa committee level pa ang panukala.

Nito lamang Nobyembre 6 inihain ni Senate President Aquilino Pimentel III ang Senate Bill 1608 o panukalang Basic Law for the Bangsamoro.

Inatasan ang Senate committee on local government na magpatawag ng pagdinig pero hindi pa ito magawa dahil abala pa sa tax reform bill ang chairman na si Senador Sonny Angara.

Ayon kay Sotto, hindi maaring apurahin ang BBL dahil masalimuot ang panukala at marami itong probisyon na kailangang pag-aralan bukod sa abala pa ang Senado sa tax reform bill at panukalang pambansang budget para sa 2018.

“Not even a special session can fast track it this year. It contains 289 sections that hearings alone can take so much time,” ayon kay Sotto.

Ayon din kay Pimentel, kailangan munang talakayin sa komite ang panukala bago ito mapag-aralan sa plenaryo.

Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na puwede namang matalakay ng Kongreso ang BBL kahit walang special session.

Idiniin naman ni Sen. Chiz Escudero na hindi maaring magpatawag ngayon ang pangulo ng special session dahil nasa regular na sesyon pa ang dalawang kapulungan.

Sa Konstitusyon, nagpapatawag lang ng special session kapag naka-recess o nakabakasyon ang Senado at Mababang Kapulungan. Isaac Mendez

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?