41

Jun 7, 2018 @ 19:15
By

BBL didiskaril ng political clans – Zubiri

Inaasahan ni Senador Juan Miguel Zubiri na may mga grupo at pulitiko na aakyat sa Korte Suprema para ipabasura ang panukalang Bangsamoro Basic Law sa sandaling ito ay maisabatas.

Ayon kay Zubiri, chairman ng Senate subcommittee on the BBL,na ayaw ng ilang angkan ng mga pulitiko sa Mindanao sa hugis ngayon ng BBL dahil bawal na rito ang political dynasty.

Sa BBL version na inaprubahan ng Senado, bawal ang magkakaanak hanggang second degree sa itatayong parliyamento ng Bangsamoro government.

Ayon kay Zubiri, kailangan ng probisyong ito para mas marami ang mabigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng pangangasiwa ng autonomous region.

Ito ay upang masawata na rin ang paulit-ulit na paghawak ng magkakaanak sa mga pwesto sa Muslim Mindanao.

Tiniyak naman ni Zubiri na maingat nilang binabalangkas ang BBL at sisiguraduhing naayon ito sa Konstitusyon upang hindi mabasura ng Korte Suprema.

Malaking gulo umano ang maaring mangyari sa Mindanao kapag hindi naisabatas ang BBL na produkto ng matagal na peace talks ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?