50

Sep 26, 2017 @ 12:00

`Bayaning’ pulis nailibing na

Isang Hero’s Burial ang isinagawa kamakalawa ng hapon para sa isang pulis-Caloocan na nasawi sa gitna ng isinagawang anti- illegal drug operation ng Caloocan City Police kamakailan.

Inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani si PO3 Junior Hilario kamakalawa ng hapon kung saan ay binigyan din siya ng posthumous promotion ng Northern Police District (NPD). Bukod dito, ginawaran din ng Medalya ng Kagitingan ni National Capital Region Office Chief Dir. Oscar Albayalde nang magtungo ito sa lamay ni Hilario.

Matatandaang madaling araw noong ika 12 ng Setyembre, taong kasalukuyan nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng nasabing himpilan laban sa isang Jayson Dela Cruz na umano ay miyembro ng kilabot na gun for hire group na sangkot din sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot.

Mismong si Hilario umano ang nagbukas ng pintuan ng bahay na base sa tip na natanggap ng kapulisan. Ngunit pagbukas ng pinto ay sinalubong na ito ng mga putok kung saan tinamaan siya ulo.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan si Hilario ngunit hindi na rin ito pinalad na mabuhay at nasawi rin kalaunan habang nilalapatan ng lunas. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?