235

Dec 13, 2017 @ 15:00
By

Bayani Fernando, ‘di pabor na tanggalin ang jeep sa lansangan

Kung si dating MMDA Chairman Bayani Fernando ang tatanungin, hindi dapat tanggalin o ipagbawal ang mga jeepney sa lansangan.

Ayon kay Fernando, makabubuti rin na suportahan o i-subsidize ng pamahalaan ang industriya ng jeep dahil hindi sapat ang mass transport system at maging ang mga sasakyan.

Payo ni BF sa pamahalaan, dapat bilhin ang mga lumang jeep sa mga may-ari nito at isama na rin ang mga prangkisa na ibebenta naman sa mga nasa lalawigan kung saan kulang na kulang ang sasakyan.

Kasabay nito ay may payo rin sa pamahalaan si Fernando patungkol sa mga kolorum na sasakyan, bus, jeep o mga SUV, aniya, bigyan na lamang sila ng prangkisa upang maging legal ang kanilang operasyon, ngunit kailangang baguhin ang batas.

Sinabi ni Fernando na hindi na dapat patawan ng multa ang isang magkakasalang driver o operator dahil mailalabas din at magagamit ang kanilang mga sasakyan.

Mas nais ng kongresista na sunugin na lamang ang mga behikulo ng mga sangkot sa paglabag sa traffic laws upang magsilbing aral sa mga patuloy na violator.

Naniniwala si BF na kapag nakapagsampol ng apat o limang sasakyan na sinunog ang pamahalaan ay tiyak mag-iingat na ang lahat ng driver at operator. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?