34

Mar 25, 2021 @ 18:24

Bayan Muna suportado CHR probe sa EJK

Suportado ng Bayan Muna ang isinasagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa mga kaso ng extra judicial killings sa bansa na iniuugnay sa war on drugs ng gobyerno.

Iginiit din ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na magkakaroon lamang ng kapayapaan sa bansa kung mayroong umiiral na hustisya.

“We strongly support the CHR’s move. There must be justice for the victims who were defenseless and yet mercilessly killed in Pres. Duterte’s bloody campaign against drugs,” ani Zarate.

Umaasa naman si Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na tutugunan ng administrasyon na papalit sa Duterte government ang hinaing kaugnay ng libu-libong namatay.

“Without justice and accountability, extra judicial killings will continue,” ani Colmenares.

Nanawagan din si Colmenares ng pagtatayo ng isang independent tribunal gaya ng Truth Commission ng South Africa na siyang magsasagawa ng imbestigasyon at magpapanagot sa mga nasa likod ng extrajudicial killings.

“This tribunal must be clothed with powers to investigate these human rights violations under Pres. Duterte and ensure that they are punished for their crimes,” ani Colmenares.

Umapela rin si Colmenares sa CHR na agad ilabas ang resulta ng imbestigasyon nito upang maisama sa ihahain nitong supplemental pleading sa International Criminal Court (ICC) sa Abril.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?