37

Nov 18, 2021 @ 15:25
By

Bayan Muna sa mga kandidato: Ilatag polisiya vs China

Dapat umanong magsalita na ang mga kandidato sa pagkapangulo, bise presidente at senador kung ano ang kanilang posisyon sa “pro-China policy” ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, sa susunod na anim na taon ay maaaring makuha na ng China ang mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea kung ang mananalong Pangulo ay katulad ang pananaw kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Colmenares ang pahayag matapos lumabas ang ulat kaugnay ng pagharang at paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard laban sa dalawang supply ship ng Pilipinas na pupunta sa Ayungin Shoal.

“We also ask all presidential and senatorial candidates, especially the Marcos Duterte tandem to categorically declare whether they are in favor or against Pres. Duterte’s West Philippine Sea foreign policy to favor China,” sabi ni Colmenares.

Nanawagan din si Colmenares ng demilitarization sa South China Sea upang makapag-usap at makahanap ng mapayapang solusyon sa problema.

Ang langis na makukuha sa WPS ay kaya umanong pondohan ang mga pangangailangan sa edukasyon at kalusugan ng bansa.

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na parang ibinasura ng China ang mga protestang inihain ng Pilipinas sa muling paglabag nito sa karapatan ng bansa.

“Unless Pres. Duterte breaks his silence and denounces what China is doing, the diplomatic protests filed by the Department of Foreign Affairs (DFA) will just continuously fall on China’s deaf ears,” sabi ni Zarate.

Kung ang mga mananalong kandidato umano ay katulad umano ni Duterte ang WPS ay “good as sold” na umano sa China. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?