129

Mar 21, 2020 @ 10:53
By

Bayambang, Pangasinan naka-lockdown na

Sinailalim sa total lockdown ngayon ang bayan ng Bayambang, Pangasinan matapos maitala ang unang kaso ng nagpositibo at namatay dahil sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ayon sa kumpirmasyon ng Barambang local government unit (LGU) tuluyan na ring binawian ng buhay ang biktima nitong Marso 20 kung kailan dumating din ang resulta ng pagsusuri nito mula sa Department of Health (DOH) na ito ay positibo sa nasabing virus.

Sinabi ng LGU, sa pinalabas na advisory, epektibo ang naturang lockdown simula ngayong Marso 21 ng alas-12:01 ng madaling araw.

Sa ilalim ng naturang direktiba, walang sinuman ang maaaring lumabas at pumasok sa bayan hangang Marso 28.

Ayon sa direktiba, hindi din pinapayagan ang mga residente ng Barangay Bical Norte sa naturang bayan na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan at mahigpit na pinapasunod sa home quarantine.

Bukod dito, magsasagawa ng sanitation sa nasabing bayan sa lugar.

Dito, umaasa naman ang Bayambang LGU na ang lahat ay makikiisa sa pinapatupad na hakbang upang malabanan ang pagkalat ng COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?