39

Oct 17, 2017 @ 17:27

Bawi-prangkisa sa lumahok sa tigil-pasada

Binalaan kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kakanselahin ang prangkisa ng mga jeepney operators na mapapatunayang sumali sa isinagawang dalawang araw na tigil-pasada nitong Lunes at Martes.

Ayon kay LTFRB spokesperson, Atty. Aileen Lizada, alam naman umano ng mga operator na mahigpit na ipinagbabawal at nakasaad sa ‘terms and conditions’ na ipinagkaloob sa kanilang prangkisa ang pagbabawal na makilahok

sa anumang transport strike.

Aniya, may mga itinalaga na silang tauhan para kunan ng litrato ang mga jeepneys na nakilahok sa nationwide transport strike.

Kasabay nito, iginiit naman ng tagapagsalita ng LTFRB, na wala naman umanong naging ‘impact’ sa publiko ang isinagawang tigil-pasada, gayunman nagtalaga pa rin sila ng 13 sa 74 emergency vehicles nila upang tulungan ang mga apektado o na-stranded na mananakay.

Samantala, sa kabila ng babala ng LTFRB, hinihikayat pa rin George San Mateo, national president ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), ang mga drivers at jeepney operators na makiisa sa mga isinasagawang transport strike upang tutulan ang modernization program.

Ayon pa kay San Mateo, hindi totoo ang sinabi ni Lizada na walang naging epekto sa publiko ang kanilang isinagawang tigil-pasada dahil dalawang araw na sinuspinde ang pasok sa eskuwelahan at gobyerno.

Ipinagmalaki ng PISTON na sa unang araw ng kanilang tigil-pasada ay naparalisa nila nang 90 porsyento ang Metro Manila at iba pang mga lalawigan sa bansa. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?