13

Sep 17, 2020 @ 17:36
By

Bawas distansiya sa mga pasahero, binawi ng DOTr

Sinuspinde ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pagbawas sa physical distancing o agwat ng bawat pasahero sa 0.75 metro mula sa kasalukuyang isang metro.

Ito’y habang wala pa umanong desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa isyu.

“So, suspended po ang 0.75, balik po sa one meter habang wala pang decision ang ating Presidente sa bagay na ito,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual briefing.

Sinabi aniya ni Tugade ang pagbabalik sa isang metrong distancing sa mga pampublikong sasakyan sa pakikipagpulong niya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease nitong Huwebes.

“Kanina po nagsalita si Sec. Tugade, ang sabi niya because I don’t want to pressure the President into making his decision as if he is duty bound to make it in a period of time dahil kung i-implement ‘yan, it becomes urgent, the President must act on it right away. So, he said, to give the President all the time he needs to study the matter, balik muna tayo sa one meter and until he says so, we will not implement the 0.75 (meter),” sambit ni Roque.

Unti-unti na sanang babawasan ang distansiya sa bawat pasahero ng 0.5 metro sa Sept. 28 at 0.3 metro sa October 12.

Tinutulan ito ng mga eksperto at sinabing magpapataas lang ito sa kaso ng coronavirus infections sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?