22

Nov 24, 2021 @ 15:35
By

Bawal substitution sa mga kandidato pinamamadali

Ipinamamadali ng isang solon sa Kamara at Senado ang pagpasa ng panukala na magbabawal sa substitution ng mga kandidato maliban na lamang kung mamamatay o madidiskuwalipika ang papalitan.

Ayon kay House Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez nasa kamay ng Kongreso ang pagbabalik ng integridad ng halalan sa bansa.

Hindi umano maitatanggi na ginagamit ng mga kandidato ang substitution dahil pinapayagan ito ng batas.

Bukod sa pagbabawal ng substitution, sinabi ni Rodriguez na dapat ding ibalik ang batas kung saan awtomatikong maaalis sa puwesto ang isang kandidato kung ang kanyang tinatakbuhang posisyon ay iba sa kanyang kasalukuyang puwesto.

“These improvements should be part of the legacy of the current Congress under the leadership of Senate President Vicente Sotto III and Speaker Lord Allan Velasco,” sabi ni Rodriguez.

Sa ilalim ng House Bill 10380 na akda ni Rodriguez papayagan lamang ang substitution kung ang kandidato ay namatay o nadiskuwalipika.

Sa kasalukuyang Omnibus Election Code pinapayagan ang substitution kung nag-withdraw ang kandidato.

Sa ilalim naman ng HB 10381, sinabi ni Rodriguez na ibabalik ang dating batas kung saan awtomatikong tanggal sa puwesto ang kandidato kung ang kanyang tinatakbuhan ay hindi ang puwesto na kasalukuyang hawak nito.

Sa ganitong paraan ay magiging patas umano ang laban. Ginamit na halimbawa ni Rodriguez ang isang national official na tumatakbo bilang mayor ng isang siyudad o bayan. Maaari umano nitong ibuhos ang pondo ng kanyang opisina sa naturang siyudad o bayan para talunin ang kanyang kalaban.

“These twin complementary reforms aim to put an end to practices by politicians and political parties that tend to put in doubt the integrity of our elections. Let us not have a repeat of the spectacle the nation witnessed on or before November 15,” sabi pa ng solon.

Inamin ni Rodriguez na maging siya ay maaapektuhan ng panukala subalit ito umano ang makabubuti para sa bansa.

Mas maganda sana umano kung tanggal sa puwesto ang lahat ng tumatakbo subalit hindi naman ito maaari dahil labis na maaapektuhan ang operasyon ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?