20

Jan 11, 2022 @ 15:39
By

Bawal pakyawin! Bilang ng bibilhing gamot nilimitahan ng Palasyo

Naglabas ng isang joint memorandum ang ilang ahensya ng gobyerno upang magtakda ng limitasyon sa bilang ng bibilhing paracetamol at carbocisteine sa mga botika, batay sa anunsyo ng Palasyo ngayong Martes.

Wika ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, nakasaad sa naturang memorandum na hanggang 20 tablet ng paracetamol lang ang pwedeng bilhin ng isang indibidwal, habang hanggang 60 na tableta kung isang pamilya ang bibili.

Samantala, ang pagbili ng carbocisteine ay nilimitahan din sa parehong bilang.

“Nakasaad din sa joint memorandum na ito na ipinagbabawal ang online selling ng mga nasabing gamot, unless otherwise permitted by the FDA,” wika pa ni Nograles.

Ang carbocisteine ay gamot sa ubo habang sa lagnat naman ang paracetamol, na parehong naging mataas ang demand nitong mga nagdaang araw.

Ang purchase limit ay epektibo hanggang sa magbalik sa normal ang suplay ng mga naturang gamot sa mga pangunahing botika sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?