66
views
risa-hontiveros-kolumn
By

Bawal Na Ang Mga Bastos Sa Maynila

Sharing is caring!

Hindi na bago sa mga kababaihang Pilipino ang minsan ay makaranas ng iba’t ibang uri ng pambabastos habang naglalakad sa lansangan o sa iba pang pampublikong lugar. Ang ganitong uri ng karanasan ay hindi na dapat pinapayagan sa isang modernong lipunan.

Kaya’t ako ay lubos na nagpapasalamat sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagpasa ng kanilang Konseho ng Manila Ordinance No. 7857 o ang “Safe City for Women and Girls Ordinance of 2018” kung saan paparusahan ang sinumang tao na maninipol at gagawa ng iba pang klase ng sexual harassment laban sa mga kababaihan. Ang parusa sa mga lalabag sa ordinansang ito ay isang araw hanggang isang taong pagkabilanggo at may kaukulang multa.

Ang ordinansa ay inisponsor ni Manila District 4 Councilor Krystle Bacani. Ito ay dahil sa napakarami ng kaso ng mga pambabastos laban sa mga kababaihan sa ating lipunan. Sa isang sibilisadong bansa, ang mga ganitong uri ng pambabastos sa ating mga kababayan ay hindi dapat pinagsasawalang-bahala.

Natutuwa ako dahil bukod sa Quezon City, may ganitong ka-progresibong ordinansa ang Maynila. Noong 2016, pinirmahan ni Mayor Herbert Bautista ang amended gender and development code kung saan pagmumultahin at ikukulong ang sinumang mambabastos ng mga kababaihan sa mga pampublikong lugar sa lungsod.

Binabati ko si Councilor Bacani sa kanyang pagpursige upang maipasa ang ordinansang ito at sa mga advocates tulad ng The Forum for Family Planning and Development, UST Hiraya, UN Women at ang Institute for Politics and Governance sa walang humpay na pagsuporta sa boses ng mga kababaihan upang magkaroon ng ligtas na lugar sa kamaynilaan. Pinasasalamatan din natin ang liderato ni Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagpasa ng importanteng ordinansang ito.

Ayon sa datos ng Manila Police District (MPD), dalawang kababaihan ang nahaharass araw-araw sa Maynila. Ang mga nireport na pambabastos ay acts of lasciviousness, sexual harassment, paggahasa at iba pang klase ng karahasan sa kababaihan. Karamihan sa mga karahasang ito ay nagaganap pagkatapos ng oras ng paggawa o di kaya ay pag alanganing oras.

Bilang Chair ng Senate Committee on Women, ay tinutulak ko ang pagpasa ng ng Safe Streets and Public Spaces Act (Senate Bill No. 1326) sa Senado. Ninanais ng panukalang ito ang pagbawal at pagparusa sa lahat ng klaseng gender-based harassment sa mga pampublikong lugar. Tama na ang pagdanas ng mga kababaihan at LGBT sa iba’t ibang uri ng karahasan at kabastusan tulad ng paninipol at panghihipo.

Pagbalik ng sesyon ng Senado ngayong Hulyo ay sasalang ang panukalang ito sa interpelasyon. Isa sa mga ipinagdadasal natin ay ang maipasa ito sa lalong madaling panahon.

Ayon sa Social Weather Stations survey noong 2016, 88 porsyento ng mga kababaihang edad 18 hanggang 24 ang nakaranas na ng sexual harassment sa mga pampublikong lugar.

Hindi na dapat natin hayaang magtagumpay ang mga bastos sa lipunan. Dapat nating pairalin ang respeto at pagpapairal ng tamang asal at dangal sa ating mga kababayan.
*****

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?