61

Oct 13, 2017 @ 16:35

Bawal maglayag sa Northern Luzon dahil kay ‘Odette’

Dahil sa epekto ng Bagyong Odette, bawal munang maglayag ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat sa mga lugar na nasa ilalim ng babala ng bagyo.

Ito ang ipinaalala ni Philippine Coast Guard Spokesman Commander Armand Balilo na nagsabing naka-alerto na rin ang kanilang pwersa sa Northern Luzon para sa alinmang insidente sa karagatan.

Ayon kay Balilo, hindi pinapayagan ang paglalayag ng mga barko at mga motor banca, pati na ang pagtungo sa laot ng mga mangingisda sa Batanas, Cagayan kabilang na ang Babuyan Group of Islands, Apayao at Ilocos Norte, gayundin sa Isabela, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur, La Union at Benguet.

Ang mga nasabing lugar ay sakop ng babala ng bagyo bilang dalawa at bilang isa.

Pinapayuhan din ng Philippine Coast Guard ang mga residente malapit sa baybaying dagat na maging mapagmatyag dahil sa posibilidad ng storm surge o daluyong o pagtaas ng alon.

Ang bagyong Odette ay huling namataan ng PAGASA sa Calanasan, Apayao at ito ay may lakas ng hangin na aabot sa 75 kilometro kada oras at pagbugso na aabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna.(Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?