293

Aug 24, 2019 @ 9:22
By

Bawal mag-alimura sa hindi nagbabayad ng utang – SEC

Bawal pagmumurahin at insultuhin ng mga financing at lending companies ang mga taong hindi nagbabayad ng utang.

Isa ito sa mga tinuturing ng Securities and Exchange Commission (SEC) na unfair collection practice ng mga financing companies, lending companies, pati na ang third-party service providers na katuwang nila sa paniningil sa ilalim ng SEC Memorandum Circular No. 18 na pinirmahan nito nung Agosto 19, 2019 at magiging epektibo na sa susunod na buwan.

Ayon sa patakaran ng SEC, bawal pisikal na manakit ng mga taong hindi nagbabayad ng utang o manira ng kanilang reputasyon at ari-arian pati na pananakot ng mga bagay na iligal.

Ipagbabawal din ang paglalathala ng mga pangalan ng mga hindi nagbabayad ng utang pati na ng kanilang personal na impormasyon, liban na lang kung may pinirmahan itong waiver; at bawal magkalat ng kasinungalingan tungkol sa loan information ng isang tao.

Bawal din manloko para lang makakolekta ng utang na hindi binabayaran o kumuha ng impormasyon tungkol sa nangungutang at bawal din tumawag ng disoras tulad ng mula lampas alas-diyes ng gabi hanggang alas-sais ng umaga para lamang mangolekta ng utang maliban na lang kung papayagan ng borrower na okay lang ito sakaling sila ay mga call center agent.

Sakaling i-outsource ang pangongolekta sa third party, sinabi ng SEC na sagutin pa rin ng financing at lending companies ang mga gagawin nito at sila ang mananagot sa SEC sakaling may maling gawin ang outsourced na ahensiya.

Kailangang sabihin din ang pangalan ng staff ang kanyang pangalan sa kanyang sinisingil ng utang at kailangang magtayo ng customer service department ang mga financing at lending companies para sumagot sa mga katanungan ng kanilang borrowers.

Ang multa sa paglabag ng SEC Memorandum Circular NO. 18 ay P25,000 sa lending companies at P50,000 sa financing companies para sa first offense. Dodoble ang multa para sa second offense. At sa third offense, depende sa lala ng pagkakalabag, maaring pagmultahin sila ng P1 milyon o suspindehin ang kanilang pagpapautang sa loob ng 60 na araw o bawiin ang kanilang lisensiya para gumana bilang financing or lending company.

Sabi ng SEC, inilabas nito ang patakaran dahil sa dami ng reklamong nakukuha nito tungkol sa mga financing at lending companies at alam umano ng komisyon na sadyang ina-outsource ng mga ito ang pangongolekta para makalusot sa anumang kasong isasampa ng hinarass na borrower.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?