24

Oct 11, 2017 @ 15:39

Bautista nagbitiw na sa puwesto

Sa gitna ng kinasasangkutang mga kontrobersiya, bababa na sa kanyang pwesto si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista sa pagtatapos ng taong ito.

Ayon kay Bautista, nagsumite na siya kahapon (October 11) ng resignation letter sa tanggapan ng Pangulo na magkakabisa sa December 31, 2017.

Personal na dahilan ang inilagay na katwiran ni Bautista sa kanyang pagbibitiw.

Hindi naman aniya lingid sa publiko ang gulong kinasasangkutan ng kanyang pamilya at sa ngayon, nais muna niyang matutukan ang kanyang mga anak.

Sa kanyang liham sa mga kawani ng COMELEC, inihayag naman ni Bautista na ito ang tamang panahon para siya ay bumaba sa pwesto lalu pa’t naipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

“This was not an easy decision. But family, especially my children, need me now more than ever,” saad ni Bautista.

Napagpasyahan umano niya na sa Disyembre na bumaba sa pwesto para bigyang daan ang “smooth and orderly transition” sa COMELEC at para maharap niya ang mga natanguan nang commitment.

“I believe I have served our Commission well and the Filipino people to the best of my ability, but only with your faithful help and constant support,” ang bahagi ng pahayag ni Bautista sa kanyang liham para sa mga kawani ng COMELEC.

Muli rin niyang binigyang diin na walang batayan ang mga paratang laban sa kanya at nagpapasalamat siya dahil hindi siya iniwan ng mga kasamahan niya sa poll body, “Amid the hurtful, baseless and malicious accusations hurled against me, most of you never left my side.”

Si Bautista ay pinaparatangan ng kanyang misis na si Patricia na nagkamal ng tagong yaman at ito ay naging batayan pa sa inihaing impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara de Representantes. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?