9

Dec 8, 2020 @ 9:43
By

Batuta ng pulis ibabalik ni Duterte

Gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang paggamit ng batuta ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) para magamit bilang depensa sa mga inaarestong nagkasala sa batas.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, pinuna ng Pangulo kung bakit wala na siyang nakikitang mga pulis na gumagamit ng batuta sa ngayon.

Ayon sa Presidente, ang batuta ang pinakamainam na pang-depensa dahil hindi nakakamatay kumpara sa baril.

“Alam mo nagtataka talaga ako kung bakit ito tinanggal. Bakit nawala ito na dapat ito ang first line of defense ng pulis?” anang Pangulo.

Maghahanap aniya siya ng pera pambili ng batuta ng mga pulis dahil gusto nitong ibalik ang paggamit nito.

Pero sinabi ni Duterte na dapat yari sa rubber ang batuta para hindi makabali ng buto sakaling gamitin sa mga inaaresto.

“We’ll look for the money next year. I’ll buy you the baton, ‘yung batuta. Ibalik ko siguro, but I do not want yung kahoy it can break the bones inside the body. ‘Yung ano lang, rubber,” dagdag ng Pangulo.

Naungkat ang batuta matapos i-report ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Pangulo ang paggamit ng yantok ng mga pulis ngayong holiday season para masigurong nasusunod ang social distancing sa holiday season.

Pareho namang sinabi ng Palasyo at ng Commission on Human Rights na hindi katanggap-tanggap ang pamamalo ng yantok upang ipatupad ang health protocol. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?