705

Oct 13, 2019 @ 18:42
By

Batuan VM Yuson ‘di sangkot sa droga – PDEA

Inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na hindi umano sangkot sa aktibidad ng iligal na droga ang napatay na bise alkalde ng Batuan, Masbate na si Charlie Yuson III.

Ayon kay Aquino, negatibo sa President Rodrigo Duterte/National Drug Information System list si Yuson na pinagbabaril hanggang sa mapatay habang nag-aalmusal sa isang karinderya sa Sampaloc, Manila nitong Miyerkoles, Oktubre 9, 2019.

Una na rin namang sinabi ng abogado ng mga Yuson na hindi sangkot ang bise alkalde sa illegal drug trade at sa kanilang paniwala ay posibleng ‘politically motivated’ ang pagpaslang.

Naniniwala rin ang pamilya Yuson na posibleng may kinalaman sa krimen si Philippine Charity Sweepstakes Office Director Sandra Cam, na mariin naman nitong pinabulaanan at nagbanta pa na magsasampa ng kasong libelo.

May apat na tao rin namang naaresto at tinuturong suspek sa krimen, ngunit nang masampahan ang mga ito ng kaso ay pinag-utos ng piskalya na pansamantalang palayain habang sinasailalim sa imbestigasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?