177

Sep 15, 2021 @ 16:26
By

Bato sinilip drug links ni Michael Yang: ‘Wala naman akong nakita’

Inamin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na inutusan siya noon ng noo’y dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte na imbestigahan ang posibleng kaugnayan ni dating presidential economic adviser Michael Yang sa kalakalan ng iligal na droga subalit wala umano siyang nakita.

Si Dela Rosa ay naging pinuno ng Davao City police mula 2012 hanggang 2012 bago siya itinalaga ni Duterte bilang pinuno ng Philippine National Police chief noong 2016.

“During the time na nag-surface yung Michael Yang na yan doon sa Davao, I was given instructions by then Mayor Duterte na ‘bantayan mo yang tao na yan,” sabi ni Dela Rosa sa budget hearing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Senado.

“Basta sabi niya ‘bantayan mo kung involved sa droga yan, trabahuhin mo’,” dagdag pa nito.

Subalit sa kanyang pag-iimbestiga, wala naman umanong siyang nakitang may koneksiyon si Yang illegal drug trade.

“Meaning conduct ka ng operations kung talagang involved sa droga, but wala akong nakita during my time, wala akong nakita,” ayon sa dating PNP chief.

Muling naungkat ang diumano’y koneksyon ni Yang sa iligal na kalakalan ng droga matapos siyang humarap sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa P8.6 bilyong halaga ng procurement contract na iginawad sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Sumabit ang pangalan ni Yang sa kontrobersiya sa likod na diumano’y ‘ovepriced’ na personal protective equipment (PPE), face mask, face shield at iba pang medical supply para sa pandemya matapos makita sa isang video noong 2017 kung saan pinapakilala nito ang mga opisyal ng Pharmally kay Duterte sa Davao City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?