280

Sep 13, 2021 @ 18:00
By

Bato sa Pharmally exec: Itapon mo cellphone mo

Pinayuhan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na nakakatanggap ng death threat na huwag magpasindak sa mga nagbabanta sa kanya sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa ‘overpriced’ na COVID-19 medical supply.

Mas mainam aniyang patayin o di kaya’y itapon na lang nito ang kanyang cellphone para makapag-concentrate sa pagdinig ng Senado.

“Huwag kang matakot diyan sa death threat na ‘yan, patayin mo ‘yung cellphone mo, kung gusto mo itapon mo ‘yung cellphone mo at mag-concentrate ka dito sa hearing na ito,” payo ni Dela Rosa kay Linconn Ong, director at head ng supply chain ng Pharmally.

“Sagutin mo lahat ng mga tanong para maganda ‘yung takbo ng hearing natin, huwag kang magpa-distract sa death threat na yan. Kung nag-death threat sayo mga taga-China, papuntahin mo dito sa Pilipinas kung gusto nila na patayin ka,” dagdag pa nito.

Una rito, inamin ni Ong sa Senado na nakakatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang buhay matapos tumestigo sa pagdinig sa Senado hinggil sa pagbili ng gobyerno ng mga medical supply para sa pandemya.

“Meron po akong natatanggap na mga text messages, ‘yong unang messages po ay bibigyan ako ng isang linggo… you and your family will be killed if you would not admit your connection to the chief executive, isa po ‘yan,” sabi ni Ong sa komite.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?