59

Nov 21, 2021 @ 16:41
By

Bato sa mga politikong gusto buwagin NTF-Elcac: Bwisit kayo!

Pikon na pikon na si Senador Ronald dela Rosa sa mga miyembro ng oposisyon na gustong buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) kasabay ng pag-akusa na ginagamit lang ang isyu para sa kanilang political agenda.

“Sabihin ko sa kanila, ito pangit pakinggan eh, pero bwisit sila,” pahayag ni Dela Rosa panayam sa dzBB.

“I-abolish kung kailan naging successful ‘yung ahensya sa paglaban sa terorismo, paglaban sa insurhensya, i-abolish nila? Ano, puro pamumulitika na lang talaga ang iniisip nila?” tanong nito.

“Na porke nasa oposisyon sila, gusto nila hindi maging successful itong administrasyong Duterte sa paglaban ng problema ng ating bansa, ganun na lang talaga ang utak nila? Bwisit,” sambit pa ng dating chief ng Philippine National Police.

Una rito, binawasan ng Senado ng P24 bilyon ang panukalang 2022 budget ng NTF-ELCAC. Dahil dito, magiging P4 bilyon na lang ang pondo ng NTF-ELCAC sa susunod na taon.

Ang pagbawas ng pondo ng NTF-ELCAC ay sumasalamin sa matagal nang pagtutol ng maraming­ senador sa malaking alokasyon ng task force ngayong 2021 na umabot sa P19.1 bilyon.

Bahagi na ibinawas na pondo ay mapupunta sa kompensasyon ng mga health worker, kabilang ang special risk allowance na hindi nakasama sa House version ng 2022 budget.

Nauna nang sinabi ng ilang senador na gamitin na lang umano ang pondo ng NTF-ELCAC para sa COVID-19 pandemic. Hindi naman pabor dito si Dela Rosa.

“Alam mo, kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan. ‘Yun na lang ang sabihin mo sa kanila,” ani Dela Rosa.

Nauna nang nagbabala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na maaring gamitin ang pondo ng NTF-ELCAC sa susunod na halalan kaya’t isa siya mga senador na pumabor na bawasan ang pondo ng naturang anti-insurgency task force.

“Ngayon, ayaw nilang suportahan? Ano ba? Dahil lang sa pulitika? Ay, naku. Kasi ang alam ko sabi ni Sen. Drilon eh, “Ah, gagamitin lang ‘yang warchest ng 2022 election campaign.” Baka ginagawa nila ‘yan sa panahon nila no’ng sila ay nasa administrasyon,” sabi ni Dela Rosa.

Binigyang diin pa ng senador na hindi ugali ng administrasyong Duterte ang pondo ng bayan sa pangangampanya.

“Ako mismo living testament ako diyan. Sabihin ko sa kanila point blank sa mukha nila na ako’y nanalong isang senador under the administration ticket na kahit piso wala akong natanggap galing kay President Duterte. Kahit piso wala akong natanggap galing sa Malacañang. Kahit piso wala akong natanggap sa PDP-Laban na pang gamit sa pang-kampanya,” ani Dela Rosa.

“Hindi po ‘yan ugali ng Administrasyong Duterte na gamitin pangampanya ‘yung pera ng bayan. Nakakagaba po ‘yan, kung sa bisaya. Nakaka-karma po ‘yan ‘pag ginagawa ‘yan kaya ‘wag silang mag-isip ng gano’n,” saad pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?