31

Nov 22, 2021 @ 15:35
By

Bato nag-sorry sa mga kritiko ng NTF-ELCAC

Humingi ng paumanhin si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga kritiko ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos niyang sabihing ‘buwisit’ ang mga ito sa isang panayam sa radyo noong Linggo.

“Kahapon nabuwisit talaga ako. Nadismaya ako, na-frustrate ako kaya nasabi ko ‘yun, nadala ako sa emosyon,” sabi ni Dela Rosa sa panayam sa radyo.

“Ganun pa man, magbigay ako ng public apology doon sa aking mga kasamahan na nasabi ko ‘yun kahapon,” saad pa nito.

“I am really very sorry. Very inappropriate ‘yung nasabi kong buwisit sila. Nasobrahan ‘yung aking emotion, nadala ako, kaya mag-apologize na lang ako sa kanila. Maling-mali ‘yung nasabi ko kahapon. Nadala ako sa aking emotion,” sambit pa ng senador.

Ayon kay Dela Rosa, napikon siya sa mga politikong nanawagan para sa abolisyon ng NTF-ELCAC at hindi sa mga gustong tapyasan ang badyet nito.

Sa panayam sa radyo noong Linggo, sinabi ni Dela Rosa na ilang politikong nanawagan para sa pagbuwag sa NTF-ELCAC ay para sa kanilang political agenda.

“Sabihin ko sa kanila, kahit pangit pakinggan, pero buwisit sila. I-abolish kung kailan naging successful yung ahensya sa paglaban sa terorismo, paglaban sa insurhensya, i-abolish nila?” ani Dela Rosa.

“Puro pamumulitika na lang talaga ang iniisip nila, na porke nasa oposisyon sila, gusto nila hindi maging successful itong administrasyong Duterte sa paglaban ng problema ng ating bansa? Ganun na lang talaga ang utak nila? Buwisit!” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?