67

Oct 6, 2021 @ 21:39
By

Bato: Mga tatakbong pangulo kilatising mabuti

Hinimok ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang mga Pilipino na suriing mabuti ang pagkatao mga kandidato sa pagka-presidente sa susunod na halalang nasyonal.

Sabi ni Dela Rosa, kailangang may sapat na kakayahan at kaalaman ang kandidato para pamunuan ang bansa sa susunod na taon.

“Sana piliin natin talaga ‘yung karapat-dapat na mag-lead ng ating bansa, iisang tao lang ‘yan. ‘Wag tayong magpadala sa mga kung anu-anong mga sinasabi, kundi siyasatin natin talaga ‘yung pagkatao ng ating magiging pangulo,” ani Dela Rosa.

Ayon pa sa senador, hindi dapat agad na maniwala ang tao sa propaganda ng mga kandidato bagkus magsagawa sila ng pagsasaliksik para malaman kung sino sa mga kandidato ang may katangian ng isang lider na karapat-dapat sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

“Kung sino man ‘yung iboboto n’yo, dapat pinag-aaralan ninyo nang husto ‘yung kanyang pagkatao kung siya ba’y karapat-dapat. ‘Wag tayong magpapadala sa kung gaano kaganda ‘yung kanyang mga propaganda,” sabi ni Dela Rosa.

“Kundi magkaroon din kayo ng sariling pagsasaliksik kasi kinabukasan ng ating mga anak at mga apo ang nakasalalay dito sa pagpapatakbo ng ating bansa,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?