45

Oct 9, 2021 @ 22:37
By

Bato inaming biglaan pagtakbong pangulo

Inamin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na last minute ang utos sa kanya na maghain ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangulo noong Biyernes.

Sa panayam ng DWIZ ngayong Sabado, sinabi ni dela Rosa na alas-3:00 p.m. ng hapon na niya natanggap ang utos na maghain ng COC. Hanggang alas-6:00 p.m. lamang ang filing sa araw na iyon.

“But the decision talaga came out yesterday,” ani dela Rosa. “So yun na. At 3 o’clock, tinawagan ako na mag-file ng certificate of candidacy. Kung tama sa 3 o’clock prayer ano, nag file tayo.”

Ngunit ayon sa senador, matagal na umanong nakalista ang kanyang pangalan sa mga posibleng isabak ng PDP-Laban Cusi faction na maging standard-bearer.

“Yan siguro ang sinasabi nating God is charting our destiny,” aniya. “Hindi man natin pinapangarap ito, hindi ko ito pinaplano e basta pinatakbo na lang ako ng aming partido so bahala na si Lord. I leave it up to the Lord kung ano mangyayari sa ‘tin dito.”

Ipinagmalaki naman ni dela Rosa na siya ay isang mabuting sundalo at hindi siya aatras sa hamon ng pagkapangulo.

“Basta ako, hindi ako umaatras. I am a good soldier, given the instructions to do this then I’ll do it. Yun lang naman po ang papel ko dito so andito na tayo,” wika pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?